-- Advertisements --

Binalaan ng UP OCTA Research Team ang pamahalaan sa posibilidad na magkaroon ng “significant surge” sa COVID-19 cases sa National Capital Region sa mga susunod na linggo kasunod ng mga pagtitipon-tipon noong holidays.

Sa kanilang latest report, sinabi ng mga researchers na posibleng nasa Pilipinas na rin ang bagong coronavirus variant mula United Kingdom, at ang “super spreader” events gaya ng Pista ng Itim na Nazareno ay naka-ambag sa posibleng pagsirit ng mga COVID-19 cases sa bansa.

Kaya naman hinihimok nila ang pamahalaan na palakasin pa ang isinasagawang testing, contact tracing, at ang kapasidad ng healthcare system para paghandaan ang posibilidad na magkaroon ng oubtreaks.

Bukod dito, inirekomenda rin nila sa pamahalaan na bilisan ang pagbili nang ligtas at mabisang COVID-19 vaccines at kaagad ding simulan ang roll out ng COVID-19 vaccination program.

Base sa datos mula sa Department of Health, sinabi ng OCTA Research Team na ang reproduction number ng virus, na nagpapakita ng average number ng mga tao na posibleng tinamaan ng sakit mula sa infected na indibidwal, ay umakyat na sa 1.13.

Ang huling pagkakataon na lumagpas sa 1 ang reproduction rate ay noong Disyembre 21, na aabot sa 1.02.

Ang value na lagpas sa isa ay indikasyon na kumakalat ang virus, ayon sa mga researchers.

Sa ngayon, ang bilang ng bagong kaso sa NCR ay umakyat sa mahigit 400 na matapos na bumalik sa normal na operasyon ang mga testing centers matapos ang holiday season.

Ang positivity rate naman sa NCR sa nakalipas na linggo ay nanatili sa 4%, pasok sa 5% na “ideal” rate na inirekemenda ng World Health Organization.