-- Advertisements --

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga government agencies kabilang na ang mga local government units (LGUs) na maghanda na para sa full implementation ng Philippine o National ID system.

Ito ay nasa ilalim na rin ng Memorandum Circular (MC) 95 na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea na mayroong petsang February 8.

Ang Philippine Identification System (PhilSys) ay magsisilbing database para sa mga citizens at resident aliens ng bansa para sa seamless delivery ng mga services, mapaganda pa ang efficiency, transparency at targeted delivery ng public social services.

Layon din nitong mapaganda pa ang administrative governance, matuldukan na ang kurapsiyon, masawata ang bureaucratic red-tape, maiwasan ang fraudulent transactions, mapalakas ang financial inclusion at ma-promote ang madaling pagsasagawa transaksiyon.

Kabilang sa mga inalerto ng Malacanang ang lahat ng government agencies, instrumentalities, departments, bureaus, offices, local government units (LGUs), government-owned and controlled corporation, state universities at colleges maging ang iba pang chartered institutions.

Base pa sa memo, inatasan nito ang Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Information and Communications Technology na siguruhin ang information databases at systems na ide-develop ng mga government entities ay dapat na synchronized ang interoperability ng government-initiated identification systems, siguruhin ang efficient at mas reliable government transactions at masiguro ang access to information at services.