CAUAYAN CITY – Nanindigan si Governor Manuel Mamba ng Cagayan na hindi siya bumibili ng boto.
Sagot ito ng Gobernador sa kapasyahan ng CEMELEC na paboran ang petition for disqualification laban sa kanya na inihain ng kanyang nakatunggali na si Dr. Zarah Lara.
Matatandaan na inihain ng kampo ni Dr. Lara ang petisyon batay sa kanyang akusasyon na habang nanunungkulan pa si Mamba na gobernador ay nasangkot umano siya sa vote buying noong panahon ng kampanyahan para sa May 2022 elections dahil sa pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng “No Barangay and Town Left Behind” program at “Tulong sa Barangay” at “Krusada Kontra Korupsyon” program.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, mariing itinanggi ni Governor Mamba ang illegal expenditures na binabanggit ng COMELEC.
Nanindigan si Mamba na wala siyang nilabag na batas noong panahon ng eleksyon dahil nag-apply naman sila ng exemption sa COMELEC para sa pamamahagi ng mobile cars sa ilang PNP stations, utility vehicles, motorsiklo, honorarium at mga ayuda na inaprubahan ng COMELEC en banc.
Sinabi niya na ang desisyon ay taliwas sa kanyang kampanya laban sa vote buying dahil siya ngayon ang inaakusahan na namili ng mga boto na wala umanong katotohanan.
Binigyang diin ni Governor Mamba na kathang isip lamang umano ng mga nakatunggali sa politika ang paratang laban sa kanya.