-- Advertisements --
image 126

Inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na ang mga manggagawa sa gobyerno ay tatanggap ng mas mataas na sahod simula ngayong buwan na huling tranche ng ipinag-uutos na pagtaas ng suweldo para sa mga empleyado ng estado.

Sa isang pahayag, sinabi ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na nagkabisa noong Enero 1 ang ikaapat na yugto ng pagtaas ng sahod na ipinag-uutos ng Republic Act (RA) 11466, o ang Salary Standardization Law of 2019.

Aniya, umaasa ang ahensya na ang pinakahuling pagtaas ng suweldo na ito ay magpapagaan ang epekto ng inflation para sa manggagawa.

Kung matatandaan, kamakailan ay nilagdaan ni Pangandaman ang dalawang magkahiwalay na Budget Circulars sa pagpapatupad ng ikaapat na tranche ng Salary Schedule para sa mga civilian personnel at local government unit (LGU) workers.

Sinasaklaw nito ang mga komisyon at iba pang mga tanggapan kabilang na ang constitutional offices; state universities and colleges; government-owned or controlled corporations o GOCCs branches.

Una rito, inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang nasabing ahensya na magsagawa ng isang pag-aaral upang matiyak na ang kompensasyon ng lahat ng mga tauhan ng sibilyan o manggagawa ay karapat dapat para sa kanilang trabaho at gawain.