-- Advertisements --

Binigyan diin ni Sen. Richard Gordon na hindi niya iso-sponsor ang ang panukalang batas para sa reimposition ng parusang kamatayan kahit pa maaprubahan ito ng komite na kanyang pinamumunuan.

Sinabi ni Gordon na magsasagawa lamang siya ng mga pagdinig ukol dito, pero hindi raw siya ang mag-sponsor nito at dipensahan pagdating ng floor.

Sa ngayon, apat na senador na ang naghain ng panukalang batas para sa restoration ng death penalty.

Kinabibilangan ito nina Senators Manny Pacquiao at Ronald dela Rosa para sa krimen na kinasasangkutan ng illegal drugs, Senator Christopher ‘Bong’ Go para sa illegal drugs at plunder, at Senator Panfilo Lacson para naman sa iba pang mga krimen.

Samantala, kahapon lang ay sinabi rin ni Sen. Sherwin Gatchalian na maging siya ay handa ring maghain ng panukala para sa reimposition ng death penalty.

Ang mga panukalang batas na inihain ng mga senador na ito ay ire-refer sa Senate Committee on Justice kung saan si Gordon ang nakaupong chairman.