Nagbabala si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin hinggil sa posibilidad na magamit sa katiwalian ang implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Sa isang panayam, iginiit ni Garbin na dapat striktong nasusunod ang mga probisyon ng batas kung saan ang release ng eligible na bilanggo ay dapat nakabase sa “factual determination” at “arithmetical computation.”
Ayon sa kongresista, tila walang transparency sa implementasyon ng GCTA dahil hindi malinaw ang guidelines na ginagamit dito, at kung nasusunod ito ng wasto.
Ito aniya ang dahilan kung bakit kailangan magsagawa ng imbestigasyon ang oversight committee ng Kamara para matukoy ang mga amiyenda na magpapahigpit sa safeguards ng implementasyon ng batas.
Nauna nang inihain ni Garbin ang House Resolution No. 260 para maimbestigahan ang GCTA Law upang matiyak na hindi makakalabas ng kulungan ang mga ineligible dito.