Walang guguguling salapi ang gobyerno sa pagsasaayos ng kontrobersiyal na rampa para sana sa PWDs sa may EDSA Busway at sa dagdag na wheelchar lift sa Quezon city
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chiarman Romando Artes, sasagutin ng mga kontraktor ng nasabing proyekto ang lahat ng gastusin para sa isasagawang mga pagsasaayos na sinimulan ng ipatupad ngayong araw.
Tinatayang makukumpleto ang kabuuang improvements sa naturang rampa sa loob ng isa o dalawang buwan.
Matatandaan na naging kontrobersiyal at nag-viral online matapos umani ng batikos ang mga kuhang larawan at videos sa naturang rampa sa may EDSA Busway PhilAm station na nakalaan sana para sa persons with disabilities (PWDs) dahil mataas at matarik ito na delikado para sa PWDs na dadaan dito.
Subalit ipinaliwanag naman ni MMDA chairman Artes na may limitasyon sa taas at espasyo ang naturang rampa dahil na rin sa Metro Rail Transit Lines 3 na naging balakid sa konstruksiyon ng elevator na maihilera sa existing footbridge kayat matarik aniya ang ramp na nagko-konekta sa 2 struktura.
Kayat ang gagawing solusyon dito ay ang pagtatayo ng vertical lift na kokonekta mula sa footbridge patungo sa platform ng Busway.
Sa oras aniya na matapos ang vertical lift, aayusin ang rampa at lalagyan ng semento para mabawasan ang taas nito mula sa 13 mm slope sa 11mm na lang na halos malapit sa inirekomendang 10mm.
Kasabay ng isasagawang pagkumpuni sa rampa, pansamantala munang isasara ito sa publiko.