Pinagpapaliwanag ni Senate committee on economic affairs chairperson Sen. Imee Marcos ang gobyerno kung bakit mas mahal at mahigit doble pa ang babayaran sa pagbili ng COVID-19 vaccine kaysa sa mayayamang mga bansa.
Sinabi ni Marcos na isinapubliko ni Belgium Budget Secretary Eva De Bleeker na mabibili ng mga miyembro ng European Union (EU) ang AstraZeneca vaccine sa halagang 1.78 euro o P105 per dose lamang, na 2.3 ulit na mas mura sa babayaran ng Pilipinas sa British-Swedish pharmaceutical firm.
Sa linggong ito, inaasahang lagdaan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang kasunduan sa AstraZeneca para sa pagbili ng 30 million doses ng bakuna nito sa $5 o nasa Php240 per dose, sa oras na magbigay na ng otorisasyon ang UK health ministry sa paggamit nito.
“Hindi tugma ang presyo sa pangako sa nasabing bakuna,” ani Marcos.
Tinukoy ni Marcos ang mga pahayag ng hepe ng AstraZeneca na si Pascal Soriot pati na rin ang research partner ng kompaniya na Oxford University, na magbibigay ng bakunang hindi pagkakakitaan habang umiiral ang pandemya sa buong mundo at habambuhay para sa mga low at middle-income countries.
“Bakit pumayag ang ating gobyerno na gumastos ng palugi?” tanong ni Marcos.
Sa $5 per dose, gagastusan ng gobyerno ng Pilipinas ang 30 million doses ng halagang $150 million o halos P7.2 billion, na kayang bumili ng higit sa 69 million doses para sa EU.
“Dahil dalawang doses ang kailangan, 15 million na Pilipino ang maaaring mabakunahan sa kaparehong halaga na halos saklaw ang nasa 34.5 million na Europeans,” pagdidiin ni Marcos.
Inihalimbawa rin ni Marcos ang Estados Unidos na target din bumili ng AstraZeneca sa halagang $4 per dose, na maaaring mabakunahan ang limang Amerikano sa kada apat na Pilipino.
“Dapat masagot ng IATF ang isyu sa presyo, para ‘di pagdudahan ang gobyerno na pinagkakakitaan ito sa kabila na gipit ang budget para sa bakuna,” ani Marcos.
Isinusulong ni Marcos na magkaroon ng inisyatibo ang ASEAN para kausapin ang global pharmaceutical firms na alisin na muna ang kanilang intellectual property rights sa patents ng kanilang bakuna, para maaari nang lokal ang paggawa sa bakuna at mapapababa ang presyo nito sa mahihirap na mga bansa.