-- Advertisements --

Pinapaspasan na ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hakbangin para matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.

Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng inilabas kamakailan na resulta ng survey ng OCTA Research na nagpapakita na 75 porsiyento ng mga Pilipino ay hindi nasisiyahan sa ginagawang mga hakbang ng pamahalaan para matugunan ang inflation.

Saad pa ng NEDA chief na pinabibilisan na ng pamahalaan ang pagsisikap nito para matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas sa gitna ng epekto ng El Niño phenomenon na ating nararanasan at ang patuloy na pagtaas ng mga presyo mula sa pandaigdigang merkado.

Sinabi ni Balisacan na gumagawa na ang gobyerno ng mga hakbang sa pagsasakatuparan ng malaking foreign direct investment para sa paglikha ng mas maraming dekalidad na mga trabaho na magtataas pa ng kita at purchasing power ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag din niya na mula ng maupo si Pangulong Marcos sa pwesto, nagrerekober na ang ekonomiya ng Pilipinas mula sa 9.5-percent contraction noong 2020.

Idinagdag niya na nagresulta sa mas mataas na inflation noong unang bahagi ng 2023 ang mga external factor at mga hamon sa domestic policy, nakatulong naman ang mga ipinatupad na intervention para mapababa ang inflation sa 2.8% noong nakaraang buwan.

Sinabi din ni Balisacan na ang unemployment rate ay umabot din sa historic low na 3.1 percent noong Disyembre 2023, habang ang underemployment rate ay bumaba sa 11.9 percent. (With reports from Bombo Everly Rico)