-- Advertisements --

Hindi magpapatupad ang gobyerno ng Pilipinas ng anumang warrant of arrest o proseso ng International Criminal Court (ICC) ayon sa lead counsel ng gobyerno.

Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang ICC ay banta sa pambansang seguridad at hindi aniya magbibigay ng anumang tulong ang pamahalaan sa imbestigasyon ng ICC, lalo na ang pagpapatupad sa ating teritoryo ng anumang mga proseso na inilabas ng ICC.

Ito ang binigyang diin ng SolGen kasunod ng nauna ng pahayag ni dating Senator Antonio Trillanes IV na bumisita na sa Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC noong Disyembre ng nakalipas na taon at nakakalap umano ng sapat na ebidensya laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakatakda din umanong maglabas ng warrant of arrest ang ICC sa ikalawang kwarter ng taon laban sa dating Pangulo at iba pang respondents may kinalaman sa war on drugs.

Subalit depensa ni SolGen Guevarra na matagal nang tinapos ng Pilipinas ang lahat ng pakikipag-ugnayan nito sa ICC kaya’t wala umano silang ideya sa anumang factual basis sa naging mga pahayag ni Trillanes tungkol sa istado ng imbestigasyon ng ICC.

Una na ngang kumalas ang PH bilang state party mula sa Rome Statute ng ICC epektibo noong March 17, 2019.

Samantala, naninindigan naman si dating PRRD at ng kanyang mga kaalyado na gumagana ang justice system sa bansa at hindi na kailangan pang manghimasok dito ang ICC.