Tiniyak ng Food and Drug Administration o FDA na kumikilos ang pamahalaan laban sa pagkalat at bentahan ng mga pekeng gamot.
Sa pagdinig ng House Committee on Health sa pamumuno ni Batanes Representative Ciriaco Gato na siya ay nababahala sa mga napaulat na paglipana ng mga pekeng gamot na ang direktang naapektuhan ay ang mga mahihirap nating mga kababayan.
Inungkat naman ni Bulacan Rep. Augustina Pancho ang ilang mga insidente kung kailan nakasabat ng milyong-milyong pisong halaga ng peke at puslit na mga gamot.
Noong Nov. 2021 aniya, nakasabat ang Bureau of Customs o BOC ng mga pekeng gamot (Alaxan, Diatabs etc) na katumbas ng P15 million.
Habang noong Jan. 2022, aabot sa P30 million na halaga ng peke at puslit na gamot na mayroong “Chinese characters” ang nasabat.
Noong Feb. 2022, mayroong nakumpiskang fake medicines mula sa 13 tindahan sa Maynila, at noong April 2022 ay nasabat ang nasa P31.5 million na halaga ng smuggled goods sa Sta. Cruz, Maynila.
Dahil dito kinuwestiyon ng mambabatas kung mayroon bang ginagawang “group effort” man lamang ang Department of Trade and Industry, Department of Health at FDA laban sa mga naglipanant pekeng gamot.
Ayon naman kay Atty. Emilio Polig, direktor ng FDA Legal Services Support Center, mayroong tinatawag na “National Coalition on Intellectual Property Rights” na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi ni Atty. Polig, mayroon nang mga naisampang administrative at criminal cases sa korte laban sa mga sangkot sa mga pekeng gamot.
Noong nakalipas na buwan ng Setyembre, sinabi ni Atty. Polig na mayroon isang korte sa Iloilo na hinutulang “guilty” dahil sa paglabag sa Republic Act 8203 o pagbabawal sa counterfeit drugs.
Samantala, siniguro din ng DTI na may mga hakbang na sila ukol dito para mapigilan ang pagkalat ng mga pekeng gamot sa merkado.
Ayon kay DTI Asec. Anne Claire Cabochon pinalakas pa ng kanilang ahensiya ang pag monitor sa mga pekeng gamot.