-- Advertisements --

Nagbabala ang International Energy Agency (IEA) na ang pandaigdigang ekonomiya ay nasa ilalim ng “major threat” dahil sa krisis sa enerhiya na dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, partikular sa Strait of Hormuz.

Ayon kay International Energy Agency chief Fatih Birol, ang kasalukuyang sitwasyon ay maihahalintulad sa mga oil crisis noong 1970s at sa epekto ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong 2022. Tinawag niya itong kumbinasyon ng “two oil crises and one gas crash,” na aniya ay may malawakang epekto sa pandaigdigang ekonomiya.

Binigyang-diin ni Birol na “walang bansang makakaligtas” sa epekto kung magpapatuloy ang krisis, kaya kinakailangan ang mas malawak na global cooperation upang maibsan ang sitwasyon.

Kasabay nito, patuloy ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, habang nananatiling nakaapekto ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng halos 20% ng pandaigdigang langis at gas shipments. Dahil sa blockade at kaguluhan sa lugar, bahagyang bumagal ang daloy ng suplay na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa merkado. (report by Bombo Jai )