-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Matagumpay na nailigtas ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad sa Lungsod ng Dagupan ang isang ginang na sinasabing nakidnap sa La Union.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Col. Redrico Maranan Jr., provincial director ng Pangasinan Police Provincial Office, bandang ala-1:30 ng madaling araw kanina ay natunton ang kinaroroonan ng biktima na kinilalang si Adora Taberna, 40-anyos, may live-in partner at residente ng Sobredillo, Caba, La Union.

Bilang resulta na rin aniya ito ng pagtutulungan ng Anti-Kidnapping Group ng Camp Crame, Regional Office 1 Intelligence Branch, La Union-Philippine National Police at Pangasinan Provincial Office Intelligence Branch.

Dagdag pa ng opisyal, nawala ang biktima bandang ala-1:00 ng hapon noong Agosto 9 partikular na sa bahagi ng Agoo, La Union at na-rescue sa loob ng isang five star hotel dito sa lungsod.

Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Anti-Kidnapping Group sa Camp Crame sa Quezon City ang biktima para sa malalimang imbestigasyon sa sinapit nito.