MATI CITY – Ligtas at naka-uwi na sa kani-kanilang tahanan ang 67 na mga na-stranded na mga estudyante at guro ng Buso National High School nitong umaga ng Miyerkules.
Kung maalala, na-stranded ang animnaput-pitong mag-aaral ng Buso National High School sa Barangay Tagbinonga, Mati City, Davao Oriental.
Dahilan nito ang pagkaguho ng ginagawang tulay dahil sa rumaragasang tubig baha at landslides dulot ng malakas na buhos ng ulan sa naturang lugar kagabi.
Kinailangan pang gumamit ng mga malalaking equiptment tulad ng excavator upang makatawid sa kabilang dako ang mga residente at commuter.
Napag-alamang, temporaryong nagpalipas ng gabi ang mga estudyante sa loob ng paaralan habang nagbigay naman ng pagkain, tubig, damit at higaan ang barangay officials maging ang Mati City Social Welfare and Development Office.
Kasalukuyang nagsagawa ng assessment ang Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ng mga opisyal ng barangay upang matutukan ang naging pinsala ng baha.