Pinahiya ng Gilas Pilipinas sa kanilang home court ang Jordan 74-66 sa fifth window ng 2022 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Hawak ng Jordan ang kalamang sa pagtatapos ng first half 41-37 hanggang mabaligtad ito ng national basketball team ng bansa.
Umabot pa sa walong puntos ang lamang ng Jordan hanggang naipagana ng Gilas ang kanilang depensa at nakuha ang kalamangan 58-51 sa pagtatapos ng third quarter.
Pagpasok ng last quarter ay napanatili ng Gilas ang momentum kung saan umabot pa sa 13 ang lamang nila at ni minsan ay hindi nakalamang ang Jordan.
Nanguna sa panalo ng Gilas si Kai Sotto na mayroong 16 points, habang mayroong 13 points si Ray Parks, 11 points kay CJ Perez at 8 points, 13 rebounds at walong assists si Scottie Thompson.
Mayroon ng apat na panalo at tatlong talo ang Gilas habang ang Jordan Falcons ay mayroong tatlong panalo at apat na talo.
Susunod naman na makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Saudi Arabia sa araw ng Lunes.