Plano ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na kumuha ng mga manlalaro mula sa UAAP at NCAA na sasabak sa FIBA tournaments sa buwan ng Hulyo.
Ito ay sa kadahilanan na maraming mga PBA Players ay abala na dahil sa kasagsagan ng 47th season ng Philippine Cup na magsisimula sa Hunyo 5.
Ilan sa mga target nilang kunin ay sina Carl Tamayo at James Spencer ng University of the Philippines, SJ Belangel at Justine Baltazar ng Ateneo.
Makakasama nila sina Dwight Ramos, Kiefer at Thirdy Ravena ganun din si Francis Lopez.
Nais kasi nito na magkaroon ang mga bagitong basketbolista ng bansa ng international exposure.
Makakaharap kasi ng Gilas Pilipinas ang India sa Hulyo 1 at ang New Zealand sa Hulyo 3 sa World Cup qualifiers sa Auckland bago ang pagsabak sa FIBA Asia Cup 2022 mula Hulyo 12 hanggang 24 sa Jakarta, Indonesia.
Aminado si Reyes na labis ang kaniyang pagkadismaya ng talunin sila ng Indonesia sa katatapos na 31st Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam.










