-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na kwalipikado si dating National Bureau Investigation (NBI) chief Dante Gierran bilang bagong PhilHealth president.

Ayon kay Salceda, ang kailangan para maging PhilHealth chief ay ang pitong taon na experience sa larangan ng public health, management, finance, at health economics o kumbinasyon ng mga ito.

Iginiit ni Salceda na ang management experience ni Gierran ay sapat para maging PhilHealth chief, bukod pa sa pagiging accountant din nito.

Hindi naman aniya malabo na magagawa ng husto ni Gierran ang trabaho nito katuwang ang tapat at competent na staff na may kaalaman sa public health, finance, at economics.

Bukod dito, sa oras na magpatupad ng reporma si Gierran sa state health insurer katuwang ang Kongreso ay tiyak na mapapabuti aniya nito ang sitwasyon ng ahensya.

“The Philhealth chief comes and goes, but the managers at the lower tiers stay, as do the structural issues. These are matters we should be vigilant about. The better question we should ask Atty. Gierran is what his agenda for overhauling Philhealth will be,” ani Salceda.

Inirekomenda ng kongresista na magkaroon ng structural reforms sa PhilHealth.

Sa kanyang 33-pahinang report sa state health insurance system, sinabi ni Salceda na apat na areas ang nangangailangan ng reporma sa PhilHealth: reserve fund management, collections, claims at benefits, at governance.