Mismong ang ama ni Julia Barretto na si Dennis Padilla ang nagpaalala kay Gerald Anderson na huwag lolokohin ang young actress.

Ito’y kahit magdadalawang taon na mula nang napabalita ang umano’y relasyon ng 23-year-old actress at 31-year-old actor, pero wala pa ring direktang pag-amin mula sa kanila.

Ayon kay Dennis, mas masaya ang buhay kung titiyakin ni Anderson na aalagaan si Julia at hindi sasaktan.

Gayunman, hindi pa raw niya nauusisa ang anak dahil hinihintay niya ito na kusang magkuwento sa kanya.

“Kung mahal mo naman ‘yung daughter ko, alagaan mo na lang siya. Huwag mo lang sasaktan. Saka huwag mo lang lolokohin para mas masaya ang buhay,” saad umano nito sa Facebook page ng Kapamilya Online World.

-- Advertisement --

Si Julia ang panganay niyang anak sa aktres at dating asawang si Marjorie Barretto.

Una nang inamin ni Anderson noong 2019 na nagkausap nga sila ni Dennis kung saan nilinaw daw nito na break na sila ni Bea Alonzo.

Gayunman, si Dennis ang unang lumapit sa aktor upang paalalahanan ito sa pagiging ama niya kay Julia.

Samantala, nagpahiwatig na si Barretto na maaga niyang nais na makabuo ng sariling pamilya upang maalagaan at magkaroon ng sapat na oras para sa magiging asawa at anak niya.

Pero dahil sa pandemya, tila maaapektuhan ang kanyang mga pangarap lalo’t “unpredictable” na ang buhay.

“I dream to become a housewife, but a housewife that’s like a boss-housewife. Like, you got your own work going on, but your number one priority is (kids and family),” saad nito sa podcast show ng negosyanteng si Angely Dub.