-- Advertisements --

Dumalaw ang actor na si Gerald Anderson at actress Claudine Barretto sa burol ng student-athlete na si Rene Baterbonia upang iparating ang kanilang pakikiramay sa pamilya nito.

Sa isang Facebook post, nagpasalamat ang dating coach ni Baterbonia na si Jess Linus Evangelio o mas kilala bilang Coach Jess kay Gerald dahil sa personal nitong pagdalaw sa burol ng Rene sa Quezon City.

Ayon kay Coach Jess, napangiti ni Gerald kahit sandali ang ina ni Rene na si Rovelyn sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

Nauna nang nagpahayag ng kalungkutan si Gerald sa pagpanaw ng binatang atleta. Ibinahagi rin niya na nakalaro niya si Baterbonia sa basketball mahigit dalawang buwan bago nangyari ang trahedya.

Sinabi ni Anderson na malaking kawalan ang pagkamatay ng isang kabataang may maliwanag na kinabukasan sa mundo ng basketball.

Samantala, kumalat din online ang mga video ng pagdating ni Claudine sa burol. Nakita siyang nakiramay at nagbigay ng suporta sa ina ni Baterbonia bago ihatid ang labi ng atleta pabalik sa kanilang bayan sa Agusan del Sur.

Sa maikling panayam sa mga mamamahayag, sinabi ni Claudine na dumalaw siya upang makiramay sa pamilya. Dagdag pa niya, isa sa kanyang mga tagasuporta ang ina ni Baterbonia.

“Nakikiramay lang,” maikling pahayag ng aktres.

Si Baterbonia, 19 taong gulang, ay isa sa dalawang manlalaro ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University na nasawi sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026, kasama ang isa pang biktima na si Divine Adili, 21 taong gulang na isang Nigerian national.

Matapos ang insidente, ilang kilalang personalidad kabilang sina Gary Valenciano, Gretchen Ho, at Regine Velasquez ang nagpahayag ng kanilang pagdadalamhati at nanawagan ng mas malinaw na paliwanag hinggil sa insidenteng ikinasawi ng dalawang atleta.