Inihayag ng Philippine National Police na sasailalim sa lifestyle check ang mga general at colonel ng pulisya na nagsumite na ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay Philippine National Police Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang lifestyle check ay bahagi ng pagsisikap ng five-man committee na magsusuri sa courtesy resignations at magrerekomenda kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pinakahuling bilang, mahigit 500 na matataas na opisyal ng pulisya ang nagsumite na ng kanilang courtesy resignation, ngunit hindi malinaw kung kabilang dito ang 10 na iniulat na sangkot sa illegal drug trade.
Samantala, ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption, mas mabuting kasuhan na lang ang mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade, dahil maaaring mauwi sa demoralisasyon sa Philippine National Police ang paghingi ng courtesy resignation ng lahat ng matataas na opisyal.
Kaugnay niyan, wala pa umanong komento ang Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pahayag ng Volunteers Against Crime and Corruption.
Una rito, si Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang umapela sa mga generals at full colonels na isumite ang kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng pagsisikap na alisin sa puwersa ng pulisya ang mga nasasangkot sa illegal drug trade.