-- Advertisements --

Nasa apat o limang kongresista raw ang tumawag kay Senate Committee on Finance chairman Senador Win Gatchalian para klaruhin ang umano’y ulat na binawasan umano ng Senado ang budget ng kanilang distrito.

Sa panayam, iginiit ni Gatchalian na walang proyekto mula sa General Appropriations Bill (GAB) ang tinanggal ng Senado, maliban sa 28 infrastructure projects na may “red flags,” kabilang ang mga duplicate at paulit-ulit na entries, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.5 bilyon.

Ayon kay Gatchalian, pinagtibay ng Senate panel ang lahat ng proyektong inirekomenda ng Kamara.

Aniya, posibleng nagmula ang kalituhan dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay in-upload online ang Senate committee report, kung saan tanging amyenda lamang — kabilang ang mga tinanggal na red-flagged items — ang makikita.

Gayunpaman, nilinaw ni Gatchalian na naplantsa na ang isyu at posibleng nagkamali lamang ang mga mambabatas ng basa sa committee report.
Hinimok na rin ng senador ang mga kongresista na makipag-ugnayan sa House Appropriations Committee para maipaliwanag nang mabuti.

Nang matanong naman si Gatchalian kung magkakaroon ng bakbakan sa bicameral conference committee, umaasa siyang hindi na at isipin na lamang aniya kung ano ang makabubuti sa bansa.

Una nang pinabulaanan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga alegasyong tinapyasan nila ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson sa Senado ang pondo ng mga congressional district — kung saan tinawag niya ang mga ito na “walang basehan” at “maliwanag na black propaganda.”

Ayon kay Sotto, may ilang miyembro ng House of Representatives — lalo na ang mga district representative — ang tumawag sa kanyang political officer at nagpahayag ng pangamba na nababawasan umano ang pondo para sa kanilang mga distrito kapag dumating na sa Senado ang budget deliberations.

Nilinaw din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ang mga proyektong tinutukoy ay mga infrastructure projects ng DPWH sa iba’t ibang distrito na aniya’y nagmula sa NEP.