-- Advertisements --

Naghain ng resolusyon si Senate President Pro Tempore Win Gatchalian upang paimbestigahan ang nakababahalang dalas ng mga idinedeklarang red at yellow alert ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nagdudulot ng serye ng brownout sa Luzon at Visayas.

Sa kanyang Proposed Senate Resolution 425, binigyang-diin ni Gatchalian na ang prediksyon ng posibleng paglakas ng El Niño sa huling apat na buwan ng taon hanggang Enero ng susunod na taon ay maaaring magpalala sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa bansa.

Batay sa datos mula Mayo 12 hanggang Mayo 31, isinailalim ang Visayas grid sa red alert sa loob ng 22 interval hours at sa yellow alert sa loob ng 93 interval hours. Sa parehong panahon, ang Luzon grid naman ay nakaranas ng red alert sa loob ng 27 interval hours at yellow alert sa loob ng halos 5.5 interval hours.

Ayon sa senador, kabilang sa tututukan ng imbestigasyon ang pagtukoy sa totoong sitwasyon ng suplay ng kuryente sa bansa, pagtiyak sa katatagan ng grid, pagpapanagot sa mga nagkakasalang stakeholder, pagtiyak na sumusunod ang mga generation companies sa pinakamataas na pamantayan ng industriya, pagbuo ng epektibong interbensyon ng pamahalaan, at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa enerhiya kabilang ang demand-side management sa ilalim ng Energy Efficiency and Conservation Act.