-- Advertisements --

Pinaghahain na ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga taxpayer ng kanilang income tax returns habang papalapit ang Abril 15 na deadline para rito. 

Bukod dito, tiniyak ni Gatchalian, pangunahing may-akda ng Ease of Paying Taxes Act (EOPT), sa mga taxpayer na ang pagtupad sa kanilang obligasyon ay magiging mas madali sa mga darating na panahon.

Nito lamang Abril a-uno ay naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Bank Bulletin No. 2024-02 na nag-uutos sa lahat ng BIR authorized agent banks na tanggapin ang lahat ng naka-print na kopya ng electronically filed tax returns o payment forms sa pamamagitan ng eBIRForms at ang kaukulang buwis na dapat bayaran.

Ipinaliwanag ng Senador na sa ilalim ng batas, pinahihintulutan ang paghahain ng returns at pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng electronic na pamamaraan o mano-mano sa alinmang awtorisadong bangko ng ahente, o revenue district office sa pamamagitan ng isang revenue collection officer o awtorisadong tax software provider.

Kasunod ng layuning gawing moderno ang pangangasiwa ng buwis, ang panukalang EOPT ay inaasahang magpapahusay sa pagkolekta ng buwis at maghihikayat sa publiko na sumunod sa mandatong magbayad ng buwis. Ito ay titiyak sa pagkakaroon ng pondo para sa mga kinakailangang imprastraktura at mga programang makakatulong para maibsan ang kahirapan, sabi ni Gatchalian.

Target naman ng BIR na makakolekta ng P3.05 trilyon ngayong 2024 kumpara sa kabuuang koleksyon na P2.53 trilyon noong 2023.