Nais ng National Bureau of Investigation (NBI) na magpasa ang Kongreso ng batas na magbibigay sa mga awtoridad ng malinaw na legal na batayan upang tutukan at habulin ang mga social media troll farm, fake accounts, at AI-generated deepfakes.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bagamat may umiiral na Cybercrime Prevention Act of 2012 laban sa mga scam, wala pang tiyak na legal cover ang pamahalaan para tugisin ang mga organisadong troll farm.
“We’re always hearing ‘yung troll farms… Pero wala kaming legal basis or legal cover to go after troll farms,” ani Matibag.
Paliwanag ng NBI chief, iba ang troll farms dahil gumagamit ang mga ito ng “coordinated behavior” o magkakasabwat na kilos upang palabasing totoo, kapani-paniwala, at galing sa publiko ang isang pekeng salaysay.
Mas lumalala aniya ang problema kapag ang kasinungalingan ay pinatulan at ikinalat na rin ng mga totoong account.
Sa kabila ng kakulangan sa batas, ibinunyag ni Matibag na nakikipagtulungan ang NBI sa Meta (na nagmamay-ari sa Facebook) at nakapagtanggal na ng mahigit 2,000 pekeng account simula nang maupo siya sa pwesto.
Ang ilan sa mga may-hawak ng accounts ay nahaharap na sa demanda habang ang iba ay iniimbestigahan pa.
Kasama rin sa hihilingin ng NBI sa Kongreso ang regulasyon sa Artificial Intelligence (AI) tulad ng mga pekeng video at larawan na nanggagaya ng mukha at boses ng ibang tao, dahil nilalabag nito ang karapatan sa pribasya.
Kasalukuyan na umanong bumibili ng mga makabagong kagamitan ang NBI upang mapalakas ang kakayahan nito sa pagtukoy at pagsugpo sa mga online deception networks.










