Planong dumulog muli sa Kataas-taasang Hukuman ang kampo ni Sen. Bato Dela Rosa upang iparekunsidera ang nabasurang kahilingan kamakailan.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo ng abogado ng senador na si Atty. Israelito Torreon, kinumpirma nito ang paghahain ng panibagong mosyon sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Torreon maghahain ang kampo ng mambabatas ng ‘Motion for Reconsideration’ kaugnay sa naging desisyon ng hukuman sa hiling na ‘interim relief’.
Posible aniyang pormal nila itong ihain sa susunod na linggo para idulog muli sa Korte Suprema ang kahilingan na Temporary Restraining Order.
Maaalalang naghain ang naturang senador ng kanyang manipestasyon na layon sanang mapigilan ang implementasyon ng arrest warrant mula sa International Criminal.
Subalit sa botong 9-5-1 ng mahistrado sa naganap na En Banc Session ng Korte Suprema, naibasura lamang ang naturang mosyon.
Gayunpaman, hindi nawawalan ng pag-asa ang kampo ng senador kung kaya’t maghahain muli ng mosyon sa Kataas-taasang Hukuman hinggil sa kaso.
















