-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng Philippine Sports Commission (PSC) na walang problema sa gastos ng mga atletang Pinoy na stranded sa iba’t ibang bansa dahil sa COVID- 19 outbreak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni PSC commissioner Celia Kiram na sasagutin ng tanggaoan ang gastos ng mga Pinoy athletes na hindi nakauwi sa bansa dahil sa mahigpit na lockdown sa mga bansa kung saan sila nagsasanay para sana sa qualifying rounds ng naudlot na Tokyo Olympics.

Kabilang sa stranded athletes sina 2019 Southeast Asian Games gold medalists EJ Obiena at Hidilyn Diaz.

Kaugnay nito, may 30 atleta ang nananatili ngayon sa dormitoryo ng Philippine Institute of Sports, Football and Athletics Stadium o dating ULTRA Stadium sa Pasig City dahil hindi na sila naka-uwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Bunsod ito ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine.

Sa kabila nito, araw-araw naman daw binibigyan ng PSC ng pagkain at vitamins ang mga atleta.

Kaugnay nito, nananatiling COVID- 19 free ang mga Pinoy athletes sa ibang bansa batay sa monitoring ng PSC sa mga National Sports Association.