-- Advertisements --

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na walang umiiral na batas sa kasalukuyan na naglilimita sa dalas ng paglabas ng advertisements ng mga kandidato sa iba’t ibang social media networks.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, pagdating sa social media ads ng mga kandidato ang tinitingnan lamang nila ay kung magkano ang ginugugol na halaga nila para sa mga ito.

Hindi aniya ito katulad ng pagre-regulate na ginagawa ng poll body pagdating sa broadcast avertising na mayroong itinatakdang limitasyon sa dami o tagal ng minutong dapat ilaan sa paglalabas ng political advertisements.

Para magawa rin ang paghihigpit na ito sa social media, sinabi ni Jimenez na kailangan may maipasang batas ang kongreso para rito.

Sa katunayan, noon pang 2016 nang hinihingi nila sa Kongreso ang pagpasa ng isang batas na magre-regulate sa political campaigns sa social media.

Gayunman, para sa halalan sa susunod na taon, sinabi ni Jimenez na babantayan nila ang gastos ng mga kandidato sa social media ads sa oras na magsimula ang campaign period sa Pebrero 8 para sa national candidates, at sa Marso 25 naman para sa mga local candidates.