Dumipensa si House Constitutional Amendment Committee chairman Alfredo Garbin sa kumukuwestiyon sa timing nang muling pagtalakay ng Kamara sa mga panukalang amiyenda sa 1987 Constitution.
Sa panayam ng Bombo Radyo, binigyan diin ni Garbin na kailanman ay hindi naging mali para gumawa ng tama dahil kung tutuusin ang pag-amiyenda sa Saligang Batas ay ang siyang sigaw o hinaing ng karamihan sa nakalipas na anim na Kongreso.
Nagiging mali lamang aniya ito kung nahahaluan na ng politika ang usapin nang Charter change (Cha-cha).
Ang itinutulak din aniyang amiyenda sa Saligang Batas sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 2, na inihain mismo ni Speaker Lord Allan Velasco sa pagbubukas ng 18th Congress noong Hulyo 2019, ay limitado lamang sa mga “restrictive” economic provisions ng Charter.
Ayon kay Garbin, sinabi ni Speaker Velasco na pagkakataon na rin para amiyendahan ang mga probisyon na ito, na nakikita nilang balakid sa paglago ng economic climate sa Pilipinas, lalo pa ngayong bagsak ang ekonomiya ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.
“In fact this is also a covid-19 response kung saan sinabi ng ating speaker na this is the right time to do it dahil bagsak na bagsak ang ating ekonomiya and for the past years we have continous growth pero rampant pa rin ang poverty occurence and at the same time ang unemployment rate continous to go high,” ani Garbin.
“So ano ang kailangan natin dito? Should we better our position, our business climate that is open to foreign investors, or should we retain those restrictions and thereby cause us to have less foreign direct investments and less foreign capital?” dagdag pa nito.
Sa ngayon, nauungusan na aniya ang Pilipinas ng mga kalapit na bansa sa Asia tulad ng Vietnam, Thailand at Malaysia dahil ang paglago ng kanilang ekonomiya ay investment-led growth, na siyang nagpabuti sa pagkolekta nila ng buwis at nagbibigay naman din ng maraming oportunidad sa kanilang mga mamamayan gaya na lamang ng pagkakaroon ng maraming trabaho.
Sinabi ni Garbin na may mga kritikal man aniya sa economic Cha-cha, hindi naman aniya maitatanggi ang consensus dito ng mga lider mula sa iba’t ibang political at power groups sa Kongreso.
Kahapon, isang araw bago ang muling pagtalakay ng komite ni Garbin sa Resolution of Both Houses No. 2, pinulong ni Velasco ang mga lider mula sa iba’t ibang political at power groups sa Kamara, kung saan inihayag ng mga ito ang kanilang suporta sa layunin ng naturang resolusyon.
Nakikita nila na sa pamamagitan nang pagluwag sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution ay mas maraming mga foreign investments ang papasok sa Pilipinas.
Nakasaad sa naturang resolusyon lalagyan lamang ng parirala na “unless otherwise provided by law” ang anila’y “restrictive” na economic provisions ng Konstitusyon.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Garbin na mabibigyan nang kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga sinasabing restrictions na ito para makapaghikayat ng foreign investments sa oras na kailanganin ito ng ekonomiya ng bansa.