Naniniwala si AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin na maiiwasan ang mga insidente na may kaugnayan sa hazing kung naaaresto, nakakasuhan at napapanagot ang mga nasa likod nito.
Ginawa ni Garbin ang naturang pahayag matapos na bawian ng buhay si Philippine Military Academy Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.
Iginiit ni Garbin na walang epekto ang anuman ang ilalagay sa batas kapag walang nakikita ang publiko na kinakasuhan, naaresto at kinukulong dahil dito.
“What really is a deterrent on the commission of a crime is the certainty of arrest and prosecution. Yan talaga ang litmus test natin diyan,” ani Garbin.
Ayon sa kongresista, may-akda ng Anti-Hazing Act of 2018, ipinagbabawal sa batas ang lahat ng uri ng hazing.
Ang pinapayagan lamang aniya ay ang initiation rite, pero kung siya raw ang tatanungin, anumang aktibidad na magreresulta sa physical o psychological harm sa isang indibidwal ay maituturing nang hazing.