Ginagalang ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr. ang hindi pagkakasali ng resolusyon na nagsusulong ng economic Charter change sa mga priority measures ng Legislative- Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Hindi naman kasi aniya excercise ng kanilang legislative power ang pag-panukala ng mga amiyenda sa Saligang Batas kundi ito ay sakop na ng kanilang constituent power.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit ayaw din makisawsaw ng executive branch sa usapin na ito dahil angmay kapangyarihan lamang para sa Charter change ay nasa Kamara at Senado lamang.
Sa ganitong dahilan din nakikita ni Garbin kung bakit hindi maaring sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Resolution of Both Houses No. 2, o mas kilala bilang economic Charter change.
“Well, the procedure adopted is that of an ordinary bill, okay. But in its entirety, it’s not legislation, it’s the exercise of our constituent power,” dagdag pa ni Garbin.
Gayunman, kumpyansa pa rin siya na kahit hindi kasama ito sa priority legislation ng LEDAC ay hindi maapektuhan ang tsansa na maaprubahan ang mga proposed amendments sa Saligang Batas.
Ang ratipika naman kasi aniya sa mga proposal na ito, na tinalakay ng Kamara at Senado, ay nakasalalay sa taumbayan sa pamamagitan ng isang plebesito.
“So it’s not the President who will sign, it’s the Filipino people,” giit ni Garbin.