-- Advertisements --

MANILA – Kinumpirma ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na wala pa ring emergency use authorization (EUA) ang COVID-19 vaccine ng kompanyang Sinovac ng China, sa kabila ng inaasahan nang pagdating ng supply nito sa Pilipinas sa susunod na buwan.

“Hinihintay ng Sinovac ang kanilang company ay mabigyan ng EUA ng China for general use. Kasi ang EUA ng Sinovac is only for limited use last August,” ani Galvez sa Laging Handa public briefing.

Kabilang ang EUA sa mga ikinokonsidera ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas para gawaran ng emergency use authorization ang bakuna at gamot ng isang foreign vaccine developer.

Ayon kay Galvez, nakipag-usap na ang Sinovac sa FDA. Wala namang binanggit ang opisyal kung naghain na ba ng aplikasyon ang kompanya para sa emergency use sa bansa.

“Nilalakad na ngayon… ang kanilang Phase III clinical trial, kino-consolidate lang nila (yung results) yung sa Brazil at Turkey, at sinabihan na kami ng embassy na once na available na yon, ibibigay sa FDA.”

“Nag-communicate na ang Sinovac sa FDA.”

Noong Agosto 2020, binigyan ng Chinese government ng emergency use ang COVID-19 vaccine ng Sinovac. Pero hindi pa raw nito katumbas ang otoridad para magamit ang bakuna sa mas malaking bilang ng populasyon.

“Dalawa ang kailangan ng China na maibigay sa Sinovac. Una, yung EUA for general use, atsaka yung authority to export.”

Sa unang linggo raw ng Pebrero inaasahang mabibigyan ng pamahalaan ng China ang Sinovac ng nabanggit na EUA.

Una nang sinabi ng Malacanang na may sigurado nang 25-million doses ng Sinovac vaccines ang bansa. Matatanggap daw ng Pilipinas ang unang 50,000 doses sa susunod na buwan.

Bukod sa bakuna ng China, makakatanggap din daw ang bansa ng bakuna mula Pfizer ng Estados Unidos sa pamamagitan ng COVAX Facility; AstraZeneca sa ilalim ng tripartite agreement; at Serum Institute of India sa pamamagitan naman ng government deal.