MANILA – Tiniyak ni Vaccine czar Carlito Galvez na agad ituturok ang mga darating na supply ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Pahayag ito ng opisyal sa gitna ng inaasahang pagdating sa bansa ng coronavirus vaccine ng Pfizer-BioNTech mula sa COVAX Facility.
“Hindi na tayo magtatagal. Ang gagawin lang natin ay i-inspect lang ng 2-3 days at ituturok natin agad,” ani Galvez sa Laging Handa public briefing.
Nitong Linggo nang sabihin ng opisyal na tiyak nang darating sa bansa ang 117,000 doses ng Pfizer-BioNTech vaccine.
Ito’y kasunod umano ng pangako ng COVAX official na kasali ang Pilipinas sa mga unang mabibigyan ng libreng vaccine supply.
Nilinaw ni Galvez na susundin ng pamahalaan ang kondisyon ng pasilidad na frontline healthcare workers muna ang bibigyan ng bakuna.
“Dapat talaga dahil ito ay galing sa COVAX Facility ng WHO ay susundin natin ang regulation at yung SAGE format platform.”
“Huwag silang mabahala (WHO) talagang susundin namin na (unahin) yung mga medical professionals at frontliners at vulnerable indigent senior citizens.”
Kabilang daw sa mga unang matuturukan ng COVAX vaccines ang mga healthcare workers ng Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, East Avenue Medical Center at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital.
“Afterwards yung mga ospital na may COVID referral sa different cities ng Metro Manila, Cebu City at Davao City, susunod na ‘yon.”
Bukod sa bakuna ng Pfizer-BioNTech, inaasahan din ang hanggang 9-million doses ng AstraZeneca vaccines ngayong buwan.
Paliwanag ni Galvez, 25 hanggang 35% ng nasabing doses ang matatanggap ng bansa sa unang quarter ng taon.
Ang natitira namang 65 hanggang 75% ay aasahan sa ikalawang quarter.