Pormal ng nag-assume bilang bagong Presidential Peace Adviser si retired AFP chief Secretary Carlito Galvez.

Isinagawa ang turn over ceremony kahapon, Huwebes December 20,2018.

Si Galvez ang pumalit sa pwesto ni dating OPAPP Secretary Jess Dureza na nagbitiw sa kaniyang pwesto.

Sa mensahe ng dating AFP chief, sinabi nito na hindi na kailangan na bumalik pa sa giyera dahil gagawin nito ang lahat para matuldukan na ang deka-dekadang labanan.

Una ng binatikos si Galvez sa pagkakatalaga sa kaniya bilang Peace Adviser dahil ang dating institusyon na kinabibilangan nito ay taga gawa ng mga makinarya sa giyera.

Aniya, bilang isang dating militar nakita umano nito ang negatibong imahe dulot ng armed conflict.

Sa farewell speech naman ni dating Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, aniya malaki ang kaniyang kumpiyansa kay Galvez ngayong siya na ang papalit sa pwesto nito.

Banggit pa ni Dureza na wala siyang nakikitang ibang opisyal na hahawak sa nasabing pwesto.

Hindi si Galvez ang kauna-unahang dating military official na naging Presidential Peace adviser.

Ang kauna-unahang military official na nag-assume sa nasabing pwesto ay si General Manuel Yan na sa kalaunan ay naging ambassador.

Sa ilalim ni Secretary Yan nagkaroon ng Final Peace Agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro National Liberation Front (MNLF).

Ang iba pang mga opisyal ng militar na naging peace adviser ay sina General Eduardo Ermita at Gen. Hermogenes Esperson at si dating PNP chief General Avelino Razon.

Lubos naman ang pasasalamat ni Galvez sa kumpiyansang ibinigay sa kaniya ni Pang. Rodrigo Duterte.

Itinuturing naman ni Galvez na isang “critical crossroad” ang peace process sa bansa kaya kailangan itong tutukan.

“We have the plebiscite in Mindanao to win. We have also newly President Duterte’s EO 70 to accomplish. And we have other equally important peace tables that we need to continue to engage with,” pahayag ni Galvez.