Nagpahayag ng kanilang suporta ang Gabriela Women’s Party kay Frankie Pangilinan, anak nina Sen. Francis Pangilinan at aktres na si Sharon Cuneta.
Ito ay matapos na mabiktima si Frankie ng pagbabanta mula sa isang netizen dahil sa paninindigan laban sa victim-blaming sa rape.
“No one deserves to be threatened with sexual violence for merely voicing out political beliefs,” giit ng grupo.
Iginiit ng grupo na serious criminal offense ang rape, kaya hindi anila maaring casual lang ito gamitin sa isang biro o pagbabanta.
Sa mga nakalipas na buwan ay naging magboka si Frankie sa kanyang social media laban sa “rape culture”.
Kamakailan lang ay nag-trend siya sa social medial matapos na sagutin niya ang TV at radio personality na si Ben Tulfo hinggil sa pahayag nito sa rape.
Ilang sandali lamang matapos na sagutin siya ni Frankie ay nag-trend naman online ang hashtag #HijaAko.
Dahil sa kanyang posisyon laban sa victim-blaming, isang nagngangalang Sonny Alcos ang nagsabi sa social media ‘di umano na gagahasain nito si Frankie kapag makita niya ito.
Ikinagalit naman ito ng ina ni Frankie, at nagsabing hahanapin nito si Alcos at papanagutin sa batas.










