-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Umalma ang progresibong grupo na Bicolana Gabriela sa mga nag-aakusa at tumatawag sa kanila bilang terorista.

Ito matapos na magpahayag ang grupo ng suporta sa militanteng grupo na Hamas at kondenahin ang mga hakbang ng Israel sa Gaza.

Ayon kay Bicolana Gabriela spokesperson Jen Nagrampa sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangan na mag-ingat sa pagbibitiw ng salitang terorista at pag-aakusa lalo pa na malinaw aniya na ang Gaza ang naaagrabyado sa nagpapatuloy na kaguluhan.

Paliwanag nito na malinaw sa kasaysayan na ang Palestine ang inagawan ng lupa.

Dagdag pa ni Nagrampa na imbes na magpahayag ng suporta ang Marcos administration sa Israel ay dapat na tutukan na lamang nito ang repatriation ng mga Pilipino na apektado ng naturang kaguluhan.

Naniniwala rin ang Bicolana Gabriela na kinakailangan ng makialam ng international community dahil sa paglipas ng panahon ay patuloy pa ang paglobo ng mga binabawian ng buhay dahil sa walang tigil na gantihan ng dalawang panig.