Nanindigan si ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III na siya ay isang natural-born Filipino citizen dahil ang kanyang mga magulang ay pawang mga Pilipino.

Sa joint hearing House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, humarap si Lopez at sinabing nag-apply siya ng recognition mula sa Department of Justice at Bureau of Immigration para sa kanyang Filipino citizenship noong 2001.

Ginawa aniya niya ito sapagkat sa America siya ipinanganak at dahil dito ay wala siyang Filipino birth certificate.

Tinukoy din ni Lopez na lumaki at nag-aral siya sa Pilipinas para sa kanyang basic education pero sa America na nagtapos ng kanyang undergraduate at masters degree.

Pero sa kabila nito, nanindigan siya na hindi siya nanumpa ng allegiance sa Estados Unidos.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ayo Bautista, dual citizen si Lopez base na rin sa legal principle na jus soli dahil ang mga magulang nito ay kapwa Pilipino, subalit ipinanganak sa America.