-- Advertisements --

Tanging iyong mga bakunado na ng lubusan ang papayagan na makadalo ng personal sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26, ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza.

Ayon kay Mendoza, humigit kumulang 350 katao lamang ang papayagan na makadalo sa SONA, kabilang na ang mga senador, kongresista, iba pang mga opisyal ng pamahalaan at iba pang mga guests.

Kaya aniya dinamihan nila ang bilang ng mga guests na maaring makapunta mismo sa huling SONA ni Pangulong Duterte sa Batasang Pambansa dahil karamihan naman ay fully-vaccinated na.

Nagluwag na rin aniya kasi ang IATF kaya 30% ng capacity ng plenaryo ng Kamara ay puwede nang gamitin.

Subalit sa kabila nito, piling-pili pa rin aniya ang papayagang makapunta mismo sa event.

Ang mga dadalo sa SONA ay kailangan na dumaan sa RT-PCR at antigen testing.

Gagamitin aniya ang RT-PCR test para sa mga papasok talaga sa plenaryo habang antigen test naman sa mga nasa labas lang.

Sa ngayon, ang isa sa mga confirmed nang dadalo sa SONA ay si dating pangulo at speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa mga hindi naman makakadalo ng pisikal sa SONA, sinabi ni Mendoza na maari pa rin naman silang makibahagi sa pamamagitan ng video teleconferencing.

Simula Hulyo 23, ila-lockdown na ang Batasang Pambansa.