Target ng mga alkalde sa Metro Manila na makompleto ang pagbabakuna sa halos 50 percent ng residente ng National Capital Region sa katapusan ng buwan ng Agosto.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council, bukod dito hangad din aniya nilang mabigyan ang 70 percent ng residente ng NCR ng first dose ng COVID-19 vaccine.
Kaya naman nais aniya ng mga alkalde sa Metro Manila na makapagturok ng 250,000 COVID-19 vaccine doses kada araw sa kasagsagan ng enhanced community quarantine.
Hindi malabong maabot aniya ito lalo na kung mayroong sapat na supply ng bakuna.
Hanggang noong Agosto 11, nasa 12,027,383 indibidwal na sa buong bansa ang fully vaccinated na kontra COVID-19.
Magmula noong Pebrero, aabot na sa 39.5 million ang natanggap na COVID-19 vaccine doses ng Pilipinas.