Kinalampag ngayon ng ilang transport group ang tanggapan ng Department of Transportation para sa pagpapatupad ng full utilization ng Land Transportation Management System ng Land Transportation Office.
Ito ay upang maging bahagi ng ginagawang mga hakbang ahensya upang tugunan ang mga insidente ng kuwestiyonableng registration ng mga sasakyan.
Kasunod ito ng mga isyung may kaugnay sa umano’y mga illegally imported sports car at luxury cars.
Ayon kay Federated Land Transport Organization of the Philippines spokesperson Jun Rustico Braga, ang Land Transportation Management System ay mayroong sapat na kapasidad upang ma-detect at ma-block ang mga kahina-hinalang registrations.
Kung kaya’t naniniwala siya na sa pamamagitan nito ay madaling matutugunan ang isyu sa registration ng mga smuggled vehicles dahil mayroon na aniyang computerized databases at systems ang ahensya.
Samantala, sa ngayon ay humihiling na ng full control ang LTO sa Land Transportation Management System online portal mula sa Demalog Joint Venture na isang German biometrics firm.
Kaugnay nito ay una na ring sinabi ng ilang mga mambabatas na sa oras na magkaroon na ng full access ang pamahalaan sa naturang site ay mapapahintulutan na rin ang Department of Information and Communications Technology na makapagsagawa ng adjustments sa sistema nito upang agad na matugunan ang pangangailangan ng publiko nang walang dagdag na gastusin.