-- Advertisements --

Mapapanatag na ang loob ng ilan sa mga biktima ng pagsabog sa Jolo, Sulu noong Agosto 24 matapos ianunsyo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakahanda silang sagutin ang bayarin sa ospital ng mga biktima.

Sa pamamagitann ng “Ayudang Medical mula sa Bangsamoro Government” o AMBAG ay aabot ng P425,000 worth of hospital assistance ang natanggap ng 31 biktima na naka-admit sa Sulu Provincial Hospital at kasalukuyang nagpapagaling.

Bukod pa ito sa natanggap nilang cash assistance mula sa Ministry of Local and Interior Government at Ministry of Social Services and Development noong Agosto 28.

Ayon kay BARMM cabinet secretary at AMBAG program head Mohd Asnin Pendatun, nais aniya siguraduhin ni Chief Minister Ahod Ebrahim na makakalabas ng ospital ang mga biktima na walang inaalalang bayarin sa ospital.

Ang AMBAG program ay pinangungunahan ng Office of the Chief Minister na binuo upang tulungan ang mga indigent patients na makatanggap ng tulong medikal at 12 ospital naman sa Bangsamoro Region ang affiliated sa naturang programa.