-- Advertisements --

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na rerepasuhin nito ang lahat ng nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na nakakaapekto sa pagtaas rin ng bilihin.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, kabilang sa susuriin nila ang petisyon ng grupong Manibela, na nagsasagawa ng dalawang araw na kilos protesra gayundin ang kahilingan ng Piston para sa dagdag na P10 pamasahe.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang mga driver at operator, kabilang ang pagpapatuloy ng P10 kada litro na fuel discount program para sa mga jeepney at UV Express sa buong bansa.

Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, nasa 87,000 PUV units na ang nakinabang sa programa, habang mahigit 140,000 units naman ang nakapagpatala.

Sa ilalim ng programa, makakakuha ang bawat kwalipikadong unit ng P10 diskuwento sa bawat litro ng gasolina o diesel hanggang sa maximum na 150 litro kada linggo.

Sinabi rin ni Mendoza na pinag-aaralan ng LTFRB ang pagpapalawak ng fuel discount upang mas marami pang public utility vehicle ang makinabang.

Samantala, ipinaliwanag ng opisyal na hindi madali ang pagdesisyunan ang dagdag-pasahe dahil maraming salik ang kailangang isaalang-alang, kabilang ang epekto nito sa mga pasahero at sa presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo.

Gayunpaman, tiniyak niya na sa halip na pansamantalang dagdag-pasahe lamang dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, maglalabas ang LTFRB ng pinal na resolusyon sa lalong madaling panahon.