Nilinaw ng tagapagsalita ng defense team na si Atty. Michael Poa na hindi kailanman naging marahas si Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin niya na ang layunin ng depensa ay ipakita na ang imaheng ipinupukol sa kaniya sa kasagsagan ng impeachment trial ay malayo sa kaniyang tunay na pagkatao.
Muling itinanggi rin ni Poa ang mga haka-haka na binato siya ng laptop ng pangalawang pangulo. Sinabi niyang “totally not true” ito at kailanman ay hindi siya binato ng kahit ano.
Inihayag pa ni Poa, na kasama na ang bise presidente mula pa noong 2022, na hindi kailanman nagtaas ng boses si VP Sara sa kaniya.
Inilarawan niya ang bise presidente bilang isang pinunong decisive o mabilis magdesisyon at alam ang kaniyang gusto, ngunit wala siyang nakikitang pagwawala o marahas na reaksyon.
Ayon kay Poa, kung itinuturing ng marami na isang outburst ang kaniyang nakaraang press conference, kung saan binanggit ang umano’y banta sa buhay ng Pangulo, layunin ng depensa na ipaliwanag ang konteksto nito dahil hindi iyon ang kaniyang tunay na karakter.
Nilinaw rin ng kampo na ang naunang pahayag ng bise ukol sa “bloodbath” sa trial ay isang figure of speech o talinghaga. Ibig sabihin nito ay handa siyang humarap sa pagsubok kahit siya ay “bloodied but unbowed” o nasugatan ngunit hindi susuko, at hindi ito banta ng pisikal na karahasan sa iba.
Ukol sa muling pag-ungkat ng prosekusyon sa video noong 2011 kung saan sinuntok ni VP Sara ang isang sheriff sa Davao, ipinaliwanag ni Poa na nangyari ito sa gitna ng demolisyon matapos ang isang baha.
Nakiusap lamang noon ang bise na ipagpaliban ang demolisyon para sa 217 pamilya. Dagdag pa niya, hindi pa isang impeachable officer si Duterte noong mga panahong iyon.
Sa kabuuan, iginiit ng depensa na ang ipinapakitang “pattern of violence” ng prosekusyon ay taliwas sa totoong pag-uugali ni VP Sara na nakikita ng kaniyang mga nakakatrabaho araw-araw.
















