Patuloy ang joint investigation ng militar at PNP upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek at malaman ang motibo sa paghagis ng fragmentation grenade sa isang military vehicle sa Barangay Mother Patuan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division (6ID), lima ang nasugatan sa insidente, dalawang sundalo ng 4th Scout Ranger Company, 2nd Scout Ranger Battalion na sina Cpl. Jessie Jay Bulanay at Cpl. Arnel Calapan, at tatlong sibilyan na sina John Dave Usman Santiago, Bassir Amban Batong, at Pamiya Upam Bulingkif.
Dinala ang mga biktima sa ospital at nasa stable na kondisyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang itim na motorsiklo ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki nang hagisan nila ng granada ang military vehicle habang dumaraan sa Cotabato-Isulan Highway, harap ng pamilihan sa Poblacion ng Shariff Aguak.
Agad na tumakas ang mga suspek patungong Mamasapano.
Nilinaw ni Suscano na wala pang sapat na ebidensiya na mag-uugnay sa mga suspek sa isang armadong grupo o magpapatunay na sila ay binayaran para isagawa ang pag-atake.
Gayunman, bineberipika ng PRO-BAR ang posibilidad na may kaugnayan ang mga ito sa natitirang miyembro ng nabuwag na Dawlah Islamiya.
Kasabay ng imbestigasyon, nagpapatuloy ang manhunt operation ng PRO-BAR at 6ID habang pinapalakas ang seguridad sa Shariff Aguak.
Tiniyak ng 6ID na nananatiling kontrolado ang sitwasyon sa Bangsamoro Region at Region 12, lalo na sa paghahanda para sa Bangsamoro Parliamentary Elections.













