Agad na ipinagutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang pagsasagawa ng imbestigasyon at pagtugis sa mga suspek sa likod ng pagkakasawi sa limang pulis sa Maguindanao del Sur nitong gabi ng Sabado, Marso 28.
Ayon sa hepe, mariing nilang kinokondena ang naging pagatake na ito at sinabing ang nagng pagatake ay itinuturing na ring atake sa kabuuan ng Pambansang Pulisya.
Aniya, hindi titigil ang pulisya sa paghahanap sa mga salarin sa insidente at ipinangakong haharap at pananagutin sa batas ang mga ito.
Sa ngayon, maliban sa limang nasawi sa engkwentro ay mayroon ding tatlong sugatan sa insidente na siyang nakahandang suportahan ng PNP para matiyak ang kanilang agarang paggaling.
Agad namang nagpahatid ng kaniyang pakikiramay ang hepe sa mga naiwanang pamilya ng mga nasawing pulis at nanindigan na kung kakailanganin ang pagtatalaga ng mas marami pang pwersa mula sa elite units ay kanilang gagawin para lamang maareto na ang mga personalidad sa likod ng engkwentro.
Samantala, tiniyak naman ng hepe na sa kabila nito, magpapatuloy ang buong tapang na pagtupad ng pulisya sa kanilang mandato na magbigay ng proteksyon at seguridad sa mga mamamayan at mga komunidad.
















