-- Advertisements --

Ipinagpaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang pagdakip sa mga jeepney at iba pang public utility vehicles (PUV) na ang mga operator ay nabigong makapagconsolidate.

Tanging ang mga unconsolidated PUV operators sa mga rutang mababa sa 60 percent consolidation rate ang papayagang magpatuloy sa kanilang ruta hanggang Enero 31 ngayong taon batay sa memorandum circular na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa kaparehong Memorandum Circular 2023-052, itinuring na binawi ang prangkisa ng jeepney at iba pang PUV operators sa mga rutang may higit sa 60 porsiyentong consolidation rate at ang kanilang operasyon ay dapat itinuring na ilegal pagkatapos ng Disyembre 31 noong nakaraang taon.

Ngunit sinabi ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista na nagpasya silang bigyan ng higit na palugit ang mga unconsolidated PUV operators para magkaroon ng unipormeng pagpapatupad pagkatapos ng Enero 31 ngayong taon.

Itinuturing ng DOTr ang pagsasama-sama bilang unang yugto ng PUV Modernization Program at sa ngayon, tinututukan ng gobyerno ang ikalawang yugto na ang route rationalization.

Itinuturing ng mga opisyal ng DOTr na mahalaga ang konsolidasyon dahil mapapadali nito ang rationalization ng ruta at ang pagbibigay ng prangkisa at iba pang benepisyo sa mga operator, lalo na sa pag-avail ng subsidy ng gobyerno kada unit ng modernong PUVs.

Sa ngayon, isinasapinal na ng LTFRB ang listahan ng mga operator na nagsama-sama na magsisilbing batayan ng mga alagad ng batas kung aling mga unit ang dapat hulihin pagkatapos ng Enero 31.