Hindi pa nakikita ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang posibilidad na maging fully digitalized ang pamamahagi ng ayuda sa hinaharap, tulad ng diskarteng ginamit sa social amelioration program sa ilalim ng Bayanihan 2.
Sa isang virtual presser sa Malacanang, sinabi ni DSWD Sec. Rolando Bautista na sa kanilang obserbasyon ay hindi pa gamay ng pamahalaan ang digital payment.
Mahalaga rin aniyang matapos muna ang registration ng mga Pilipino sa National ID System dahil ito ang siyang magiging basehan kung sakali ng kanilang magiging listahan para sa mga ayudang ibibigay ng pamahalaan.
Isa sa mga nakikita rin nilang hamon ay ang tinatawag nilang “graduation” kung saan taon-taon, sa kanilang evaluation, inaalis nila sa listahan ang mga Pilipino na sinasabing nakaahon na sa tinaguriang poverty line.
Magugunita na sa pagpapahatid ng ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2, idinaan ng DSWD ang payout ng ayuda sa ilang target beneficiaries sa pamamagitan ng mga partner nilang Financial Service Providers (FSP) sa ilalim ng gabay ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa Bayanihan 2, aabot aniya sa 10 million beneficiaries, na pawang mula sa 4Ps, ang hawak nilang listahan, pero ang nabigyan nila ng ayuda ang 14 million matapos na makapag-generate ng data mula sa mga local government units.
Dahil sa dami ng mga nabigyan ng ayuda, sinabi ni Bautista na sa kasaysayan ng DSWD, ang ayuda sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 ay isa sa pinakamalaking cash tasnfer program na pinangunahan ng kagawaran.










