Ibinunyag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na nagiba ng istilo ang mga fraudster para makapang-scam.
Kung saan ginagamit ng mga ito ang pre-registered sim cards na nakuha sa iligal na paraan.
Ilan sa mga sim card ay ginagamit pa rin umano ng mga foreign crime syndicate at ilan dito ay bumibili ng pre-registered SIM cards.
Ito ang isiniwalat ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center USec. Alexander Ramos kasabay ng paglulunsad ng Scam Free Pilipinas campaign.
Sinabi pa ng opisyal na karamihan sa mga text scam ay may kinalaman sa pera partikular na ang misrepresentation ng mga bangko.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng ahensiya ang publiko na tumawag lamang sa kanilang hotline na 1326 nang libre sakaling makatanggap man ng kahina-hinalang text o calls scams.