KALIBO, Aklan—Sinalubong ng palakpakan at hiyawan sa Kalibo international airport ang pagdating sa lalawigan ng Aklan ng ipinagmamalaki ng mga Aklanon na Southeast Asian Games pencak silat gold medalist Mary Francine Padios.
Matapos ang ilang kanselasyon sa kaniyang biyahe pauwi sa kaniyang pamilya ay sa wakas nasunod na rin ang schedule nito kung saan, laking tuwa ang naramdaman ng kaniyang ina, mga kapatid at kaibigan.
Sa isinagawang press conference, aminado ang 18-anyos na si Francine na maraming hamon ang kaniyang hinarap bago sumabak sa 31st Southeast Asian Games na ginanap sa Hanoi, Vietnam.
Isa na rito ang pagkaaksidente ng kaniyang ama na mahigit isang buwan na nakaratay sa hospital bed kung saan, lubos na naapektuhan ang kanyang training.
Ngunit, ito rin ang naging daan upang palakasin ang kaniyang loob para sa pamilya bilang anak na humahangad ng tagumpay para sa kaniyang mga magulang.
Umaasa siyang marami pa siyang oportunidad na makapag-perform at magbigay ng karangalan sa bansa.
Sa kabilang daku, pinaghahandaan na umano ni Francine ang resbak ni Puspa Arum Sari ng Indonesia sa 19th Pencak Silat World Championship na gaganapin sa Malaysia sa Hulyo 26-31.
Tinalo ni Padios ang iniidolo at dating gold medalist na si Puspa sa katatapos na SEA Games.










