Ipinag-utos umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang sabotage operations laban kay dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV, ngunit nagpakita ng pag-aatubili sa pag-utos ng asasinasyon dahil sa ugnayan niya sa militar.
Ito ang naging rebelasyon ng detainee na si Ramil Madriaga habang tumetestigo sa harap ng House justice panel kaugnay ng pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Madriaga, noong panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang pangulo, siya ay itinalaga bilang isang counterintelligence agent sa ilalim ng National Security Council.
Gayunpaman, nilinaw niya na hindi siya direktang nasa ilalim ng Office of the President o ng iba pang ahensya ng gobyerno, kundi siya ay “direktang inemploy” ng dating pangulo.
Bilang bahagi umano ng kanyang tungkulin, partikular siyang inatasan ni dating Pangulong Duterte na bantayan, i-operate, at isabotahe si dating Senador Trillanes.
Dagdag pa ni Madriaga, nag-atubili umano si Duterte na mag-utos ng asasinasyon laban kay Trillanes dahil sa suporta at koneksyon niya sa loob ng Armed Forces of the Philippines.
Matatandaang noong 2019, inakusahan ni dating Pangulong Duterte si Trillanes na nasa likod ng kumalat na video na nagsasabing tumatanggap umano ng bayad mula sa isang ilegal na drug syndicate ang kanyang anak na si Davao 1st District Representative Paolo Duterte, isang paratang na itinanggi naman ni Trillanes.
Si Trillanes ay kabilang din sa mga naghain ng reklamo laban kay Duterte sa International Criminal Court kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs noong kanyang administrasyon.















