Kinumpirma na ng mga top officials ng Japan na pumanaw na si dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe dahil sa malubhang kalagayan makaraan ang asasinasyon dito habang siya ay nagtatalumpati sa isang campaign event sa Nara region.
Una nang iniulat ni Japan Prime Minister Fumio Kishida na nasa “in a very grave condition” si Abe.
Matapos ito ay iniulat naman ng partido ni Abe na isang senior Liberal Democratic Party na ito ay pumanaw na sa ospital na pinagdalhan sa kanya.
Tinawag naman ng mga opisyal na isang “barbaric act” at “unforgivable” ang pangyayari na isinabay ang krimen sa election campaigning para sa Upper House election.
Ikinakampanya ni Abe ang kanilang mga kandidato sa partido.
Nauna nang sinabi ni chief cabinet secretary Hirokazu Matsuno na nangyari ang pamamaril dakong alas-11:30 ng umaga (local time) habang nagtatalumpati si Abe, 67.
Bumagsak si Abe, 67, kasunod nang pag-alingawngaw ng putok ng baril at may umagos na dugo mula sa kaniyang leeg.
Isang lalaki na tinatayang 40-anyos na pinaniniwalaang bumaril kay Abe ang inaresto na rin sa lugar.
Si Abe na dating Liberal Democratic Party leader, ang itinuturing na longest-serving prime minister ng Japan mula taong 2006 hanggang 2007 at muling nakabalik sa puwesto noong 2012 hanggang 2020, bago ito nag-resign dahil umano sa isyu ng kanyang kalusugan.